Thursday, March 27, 2014

Ang Pagtatapos

Photo from: wallacechev.com

'Noong Highschool ako, palagi kaming tinatakot ng mga kaklase ko ng isa sa aming mga naging guro sa aming senior year. Ang magkakaro'n ng bagsak, hindi makakaakyat sa puting bato. 'Yan ang paulit-ulit naming naririnig sa panahong papalapit na ang Graduation-day ng aming pagiging High-school. Ang pagtatapos ng aking Prom-Year. Ang pagtatapos ng apat na taong pakikipagsapalaran. Magsusuot ulit ako ng Toga. Haharap ulit ako sa kamera. At aabutan nanaman ako ng nirolyong papel na magsisilbing diploma...

Kolehiyo na ang susunod. Ilang taon nalang; tapos na ang buhay-magaaral. Ilang taon nalang. Ilang taon nalang...

So syempre, gaya din ng iba, ako din bilang estudyante, ay nahirapang pumili kung anong kurso ang kukunin ko. At gaya ng iba, habang papalapit na ang susunod na pasukan, ako'y nangangalap ng aking posibleng larangan na tatahakin. At dahil ako'y isa lamang sa mga tipikal na 'estudyanteng-pinoy', ang sistema ng aking pagpili ay nagawa narin ng karamihan. Oo, binalewala ko ang suggestion ng National Career Assessment Examination (NCAE) ko. Mas nanaig sa'kin ang suggestion ng mga kaibigan kong papasok din sa eskwelahang papasukan ko. 'Yung ganitong sistema ba:
Ako: Ui anong kukunin mo dre?
Friend: IT ako e, mag IT ka narin, kasi IT din si ano, tyaka si ano. Tapos balita ko maga- IT din si ano.
Ako: Sige, yan din sa'kin!
Ang bilis diba? 'Yan ang pinoy. Kung saan ang karamihan, doon nadin. Parang, kapag kakain ang tropa sa Jollibee at nagdidiskusyon ang karamihan habang nasa pila sa harap ng counter. Kapag ang isa ay nagbanggit ng "Chickenjoy nalang sa'kin" Asahan mo narin ang iba pa na magsasabi ng "'Yun nalang din sa'kin" o kaya "Gano'n nalang din".

Balik tayo sa pagiging kolehiyo. Mahirap, oo. Mahirap maging estudyanteng-kolehiyo. Kailangan, puspusan. Mauubusan kana ng petiks-time. Mauubusan kana ng tulog habang tumatagal. Lalaki ang eye-bags mo dahil hindi na ito tulad ng pagiging Elementary o High-school student, na kapag natapos mo ang isang period na wala kang absent at late, malaki ang tyansa mong makarating sa susunod na baytang. Hindi kana maisasalba ng perfect attendance mo sa College.

Malaki ang pinagkaiba ng pagiging kolehiyo mula sa pagiging high-school. Hindi lang sa lebel ng mga pagtuturo ng mga guro sa atin, pero nand'yan yung pagaadjust mo sa mga nakagawian. Tulad ng pagpasok mo kahit kalahati lang ng mga mata mo ang nakakakita dahil sa antok. May biglaan kasing assignment si Prof at bukas na ang deadline. Wala e. Naisip n'ya e.

Kailangan mo ring masanay pumasok kahit bumabagyo. Kahit balu-baluktot na ang mga bakal sa payong mo dahil sa lakas ng hangin, pasok parin! College kana e. Hanggat hindi sumisilip ang mata ng bagyo sa eskwelahan mo, tuloy lang.

At sa klase, darating 'yung puntong ANO YUN? at ANO DAW? nalang ang tanging lumalabas sa isip mo dahil hindi mo ma-gets ang bagong lesson na tinuturo ng Professor mo sa Physics, Programming at Accounting.

Dadaan ka sa sitwasyong maguguluhan ang isip mo kung magiinternet kaba o magrereview kana dahil may exam ka kinabukasan.

May lalapit na pagkakataon sa'yong 'yung kaklase mo pang sabi nang sabi ng mga salitang "Di ako nakapagreview" ay s'ya pa 'yung highest pagdating ng exam-results.

At kapag bumagsak ka sa exam, o naramdaman mong makakakuha ka ng mababa. Di-bale-may-susunod-na-quiz-pa-naman. 'Yan lang ang itatatak mo sa isip mo, okay na.
-

Diba? Ang daming mga tagpo na sa eskwelahan lang natin makikita. Dahil pagkatapos ng lahat ng ito. Kahit ilang beses kang napagod ng pag-aaral gawa ng puyatan para sa exams, thesis at project mo, hinding hindi mo parin maikakailang mamimiss mo paring pumasok pagkatapos.

At pagkatapos ng lahat ng ito, gigising ka sa isang umaga na hindi mo na kailangang umupo sa arm-chair na sinulatan ng cellphone number ng iba, text mate daw. Hindi kana papasok ng maaga para sa assignment na hindi mo ginawa nung isang gabi kasi mas pinili mong mag-surf sa Internet kaya kokopya ka nalang kinabukasan. At higit sa lahat, hindi mo na kailangang manghingi pa ulit ng yellow-pad.

Bagong yugto na ulit pagkatapos. At oras naman ng pagtutupad mo ng nasimulang hakbang ng pangarap.

Kaya kung ikaw ay nagaambisyon lang na maging Bilyonaryong tao gaya ni Steve Jobs at Bill Gates. Aba, e ngayon palang mag drop-out kana para maging kagayang-kagaya mo sila. Pero joke lang, hindi masamang mangarap, gawin mo lang makatotohanan. Kaya 'wag mong gawing goal ang pagiging isang Bilyonaryong Pinoy, baka magaya ka kay Manny Pacquiao ngayon, hala ka. Gawin mo lang direksyon ang isang matagumpay na buhay, sapat na.
-

Ngunit hindi ko akalaing bago ako magtapos ay magkakaro'n pa ko ng medalyang maikukubli ko hanggang pagtanda. Buti nalang, magaling ang mga kagrupo ko hehehe. Totoo ang kasabihang "Kumapit sa matatag para maka-survive" - Yup, hindi lang kapag lumilindol applicable yan. Matagal ko narin namang gustong magkaro'n nito. 'Nung Grade 6 kasi ako, sayang e, muntik na. Muntik na akong sabitan kaso binigay ang award sa kaklase kong magaling magwalis sa Classroom. Doon ko napatunayan na totoo pala ang kasabihang Daig ng Masipag ang Ma...... Deh joke lang ulit, hindi ako butt-hurt.  

At mula ngayong araw na 'to. Ilang araw nalang, aakyat ulit ako sa hagdanan papunta sa gitna ng isang entablado. Magsusuot na ulit ako ng Toga. Haharap ulit ako sa kamera at sa wakas, aabutan na ako ng pinaka-importanteng diploma sa lahat ng diploma.

Kaya para sa lahat ng magsisimula palang sa kolehiyo at sa mga konting panahon nalang ang hinihintay at gagraduate na rin, 'wag nating palampasin ang bawat pagkakataong ibinibigay ng Diyos. Dahil kahit ano pa mang kurso mo, ano pa mang eskwelahan ang pasukan mo, sasabihin at sasabihin mo parin na mahirap grumaduate. Kaya pagsikapan natin, okay lang 'wag magpasa ng assignment minsan, pero ipasa mo naman yung exams. Okay lang naman mag-text habang may nagtuturo basta ba naririnig at naiintindihan mo parin si Ma'am. Okay lang magpuyat dahil sa project, pero wag naman dahil sa inom. Kaya gawin natin ang lahat ng paraan. Pagsikapan nating abutin ang punto ng buhay na pwede na nating sambitin ang mga salitang...

Mahirap grumaduate, pero hindi ko sinabing hindi ko kaya.