Dear, Mr Edward Aquino,
'Wag mo sanang isipin na ito ay isang liham ng pambabatikos o panghaharas (na marahil alam mo na kung bakit may ganitong post pa at kung bakit usap-usapan ang pangalan mo) - ako'y may gusto lamang itanong sa'yo, hindi lang bilang isang SanMig Coffee fan, kundi bilang isa naring Basketball fan. Bakit lagi kang nasasangkot sa mga controversial fouls? Bakit ka ganyan? BAKIT GANON?
BAKIT GANITO?
Dumiretso na tayo sa climax ng isang basketball-game, ang last 2 minutes. Pumasok ang huling dalawang minuto ng laro na lamang ang SanMig, 89-88, may dalawang Timeouts pa ang SanMig at tatlo naman para sa Gins at parehong penalty ang dalawang koponan. Bumalik ang possession sa Ginebra, Tumira si LA ng isang three-point-shot, napa-iling ako, pero hindi naman pumasok ang tira n'ya. Bumalik ang bola sa SanMig, tumira si James Yap ng corner-three, sablay, pero nag-putback si PJ para maging 91-88 ang score pabor sa SanMig, 1:24 ang natitira sa orasan. Balik ang bola sa kabilang panig, sumisigaw ng defense ang SanMig fans sa venue. paubos na ang shot-clock ng Gins ngunit nakapagpasabit ng foul at pumasok ang tira ni Greg Slaughter, 91-90, sumablay ang bonus free-throw at napunta ulit ang bola sa Ginebra. Tumira ng isang madaling-tres si Caguioa pero hindi pumasok. Bumalik sa SanMig ang bola habang tatlomput-s'yam na segundo lang ang natitira sa orasan. Tulad ng karaniwang nanunuod, sa mga ganitong sitwasyon, paubos na ang oras, dikit ang laban, pigil ang aking bawat paghinga habang nakatutok akong maigi sa tv. Tumira si Mark Barroca ng isang three-point-shot, kumalog lang, nakuha ni Caguioa ang rebound, sa kasamaang palad, dali-daling kumuha ng hangin ang isang referee mula sa kanyang katawan na pinadaan nya sa kanyang bronchial tubes at tumunog ang pito sa bibig ni Mr. Referee, may foul. MAY FOUL? Pero hindi ako nagreklamo agad. Malay ko ba kung meron nga. Lamang ang Ginebra, 92-91 sa bisa ng mahahalagang freethrows ni Caguioa, nag Timeout ang SanMig, At sa break na 'yon, pinakita ang replay.
Napamura ako Mr. Referee...
Masyado yatang manipis ang tawag mo...
Isa ako sa mga naniniwalang HINDI scripted itong seryeng ito, ni hindi ako naniniwalang bayad ka (sana nga hindi) o kaya fan ka ng kabila (mas tanggap ko pang rason) pero sana talaga hindi kana pumito sa basehang hindi naman solido ang foul.
Pero bilib ako, consistent ka naman, hindi lang naman sa kabilang team ka tumatawag ng manipis na foul, sa SanMig din. Pero kasi, ang sagwa talagang tignan na ang isang 'CHEAP-FOUL' ang s'yang magdidikta ng magiging resulta ng laro. Marami tuloy ang nagaakala sa'yong isa kang contestant sa Junior Master-chef. Pero hindi ako naniniwala. Ipinagtanggol pa kita. Kasi tingin ko, paboritong show mo lang talaga 'yung palabas si Chef Boy Logro sa tanghali. DEH JOKE!
Sabi din ng iba, na kaya mo pinituhan si James Yap, ay dahil AQUINO ka. Kaya lumuluwag ang pito mo sa kanya. Gaano ba kayo kalapit na magkamaganak ni Kris? May konting pagkaka-ugnay ba sa DNA ninyong dalawa? Magkapareho ba kayo ng amoy ng kili-kili?
Sadyang nakakapag-pailing lang talaga ng ulo na tinawagan mo ang Kiskis-Jersey-Foul ni James Yap kagabi pero hindi mo kinonsider na pituhan ang kiskis-Katawan-Off-Balance-shot ni Peter June Simon.
Paglilinaw ko lamang ulit, sa liham na ito, hindi ako sobrang galit sayo, inis lang. KONTI. Konti lang, bagkus, kung mayaman nga ako at kung kaya ko lang, bibigyan kita ng lupa at ipagpapatayo kita ng bahay sa Spratly Islands para mahirapan kanang dumalo sa mga PBA-games. Joke lang ulet.
Naniniwala parin ako na makakaya mo parin namang pumito ng tama sa laro, pero gaya ng iba, gaya ng nakararami, mas gusto namin, o mas maganda narin kung hindi ka narin mapabilang sa mga referees sa Miyerkules. Alam naming pagod ka kagabi, kailangan mo ng pahinga, concerned lang kami.
Pero tingin ko naka move-on narin po kami, naka move-on narin ang ilan, naka move-on narin ako mula kagabi. "Breaks of the game lang" "Kasama sa laro 'yun" - 'Yan nalang ang magandang isipin ng lahat sa ngayon. At hilingin nalang natin ang isang maganda at walang misteryong Game 7 sa Miyerkules.
Ano pa nga bang mahihiling natin sa isang Game 7 ng pinaka-sikat na rivalry sa PBA?. Goodluck sa mga kabarangay at kaplaneta ko, goodluck sa mga bibili ng tickets at paniguradong magiging epic ang laro sa a-trese.
Salamat sa pagbabasa.