Paano mo ba masasabing ang isang araw ay isang kumpletong araw? O paano mo masasabing ang isang araw ay ang isang araw kung saan wala kang nakitang dapat ikapangamba dahil walang kulang sa araw na 'yon.
Ngayong taon, ay ang ika-dalawampu't isang taon ko bilang nilalang sa mundo. Ika-apat na taong pagiging ganap na botante ng bansa. Well, bilang isa sa napapabilang sa madlang pilipino, ang aking ika-dalawampu't isang taong eksistensya sa mundo, ay masasabi kong perpekto. Hindi dahil may Internet connection ako kada-araw kundi dahil sa tinagal-tagal at sa dami ng araw na lumipas mula sa una kong pagmulat at pag-gapang sa mundo ay kaya ko nang mag-prito ng itlog na hindi ko na nababasag ang pula. Nakakatuwa diba. Isang malaking karangalan.
Ngunit hindi ko masasabing walang balakid na dumaan. Dahil sa habang tumatagal, habang nabibilang ang araw na dumadaan. Isa paring malaking pagsubok kung paano ako makakapag prito ng isda na hindi na didikit ang isda sa kawaling kinalalagyan nito. Isa lang yan sa maraming bagay na nagpapagigil sa akin minsan.
Pero siguro, mas magiging perpekto, kung may kotse, sariling condo, at sandamukal na gadgets ang hinahawakan ng mga kamay ko kada araw. Pero ang reyalidad, wala, at hindi ako naghahangad ng anumang bagay hangga't maaari kung nabubuhay naman ako ngayon ng wala ang mga 'yon.
Pero hindi ko maitatanggi at aminado akong isang malaking kagalakan kung magkakaro'n ako kahit isang latest gadget ngayong taon na magiging luma agad sa susunod na taon dahil may bagong modelo nang lalabas. Hindi parin naman ako mabubuhay nang walang cellphone na gagamitin sa isang araw. Pero diba, napatunayan ko rin na totoo pala ito: "Sa agham at teknolohiya ang buhay ay gaganda." Yan ang sabi ng Sineskwela.
Sa makatuwid, ang ibig ko lang ipaabot. Ay magiging kumpleto, o matatawag mo lang na kumpleto ang isang araw, kung wala kanang hihilingin pa sa araw na 'yon dahil kuntento kana sa lahat ng bagay na meron ka. Pero langya, gusto ko talaga ng Pringles araw-araw.