Monday, December 29, 2014

Bakit Iwas si Bob Arum sa Pacquiao-Mayweather bout

Photo from www.latinopost.com

























Makalipas ang isang buwan. Matapos magbitaw ng anim na suntok na umiskor ng anim na knockdown at nagpabagsak sa kalabang Amerikano. Nakabangon muli si Pacquiao mula sa multo ng kamao ng isang meksikanong minsang nagpatulog sa kanya. Ang muntikan nang career na matapos ay naiahong muli. Sa kabila ng mga kwestyon at pagdududang makakaya pa. Sa kabila ng mga kontrobersiya sa posibleng laban kay 'Mayo de panahon' (Mayweather) at sa kabila ng banta ng pala-ngiting si Kim Henares, tumabo ulit s'ya ng milyong piso... pero hindi kasing dami ng sa mga nakaraan.

Makalipas ang anim na taong paghahamon, tatlumput-siyam na palusot at labing anim pang palusot na posible n'yang sabihin sa hinaharap. Nagbitaw na ng petsa ang nagiisang pound for pound king sa boxing ngayon. Mayo a-dos ng susunod na taon, gusto na n'yang labanan si Manny Pacquiao.

Wala na e, simot na halos ang mga boxing-star sa 147lbs division. Kaya hindi na s'ya makatatangging labanan pa si Congressman. Kahit si Manny nagtiyaga nalang kay Algieri na hindi naman n'ya ka-lebel. Kumbaga pag hinalintulad natin sa PBA, si Pacquiao, Superstar na ala-James Yap habang si Algieri Rookie na ala Manny Pacquiao... Oops.

At malamang, hindi rin nanaising umakyat ni Floyd sa 154lbs at 160lbs weight-division dahil nandito na halos ang mga ka-size n'ya. Tiyak na hahamunin agad ni Gennady Golovkin to pag nagkataon. Umurong din s'ya sa rematch kay Miguel Cotto. Bakit? Si Freddie Roach na trainer ngayon e. Wais.

Pero kung payag na si Daldal at payag din si Pacquiao, bakit parang may gusot parin?
"It's disrespectful to the Mexicans. Only Mexican fighters can fight on that day (Cinco de Mayo)." - Bob Arum
Cinco de Mayo, isang selebrasyon na ginugunita ng mga Meksikano at ng mga Mexican-american sa Amerika. Pero May 2 'yung laban? May 5 'yung pagdiriwang? At kung dapat pala ay puro mga meksikanong boksingero lamang ang pwedeng mapanood sa araw na 'yon, bakit n'ya itinuloy noon ang Hatton-Pacquiao (May 2, 2009) at Mosley-Pacquiao (May 7, 2011) na mga laban kung saan pumatak ang mga petsa sa loob ng linggo habang ipinagdiriwang ang Cinco de Mayo?

Naunang maging usap-usapan ang Canelo Alvarez-Miguel Cotto fight para sa May 2, 2015. Pero hanggang ngayon, wala paring papel ang nalalagdaan. Sa kabila na si Freddie Roach rin ang trainer ni Cotto, ang nasabing petsa ay hindi parin naman pinal para sa laban kaya hindi ko parin makita ang dahilan kung bakit hindi pwede para kay Bob Arum ang petsang nabanggit. Kung saan ang mismong boksingero at guro nito ay nagpahayag na ng pag-sangayon.

$300,000 ang kinita ng pay-per-view sales ng Pacquiao-Algieri. Mula nang matamo ni Manny Pacquiao ang pagkabigo kay Juan Manuel Marquez, kung saan umabot ng $1,150,000 ang nalikom sa pay-per-view ng kanilang laban. Lumiit na ang nakokolekta ni Bob Arum mula sa mga laban ni Emmanuel Pacquiao. 

E magkano na lamang ba ang napupunta kay Pambansang kamao? Mula sa porsyento n'ya na hati sa kinita ng kanyang laban, bente porsyento (20%) ang mapupunta kay Bob Arum. (10%) kay Coach Jawo Este Freddie Roach. Bawasan pa ng mga assistant ni Freddie Roach. Training-camp expenses. Tax bills sa US bukod pa sa Pilipinas o sa makatuwid- share ni Kim Henares. Gastos pang-eroplano, pang-kain araw-araw, pang-yosi at pang-inom ng sandamakmak n'yang dinadalang alalay sa amerika. Pambayad sa inuupahang hotel para sa mga 'yon at balato para kay Pambansang-anino na si Chavit Singson. E baka pang-hermes nalang ni Jinkee at Aling Dionisia ang matira.

Hindi ba't masyado s'yang maraming ginagastos sa isang araw? Kung bawasan n'ya kaya 'yung bilang ng entourage n'ya na may- Trainer, assistant ng trainer, adviser, assistant ng adviser, taga-luto, taga-hugas ng plato, taga-paligo ng oto, taga-pakain ng aso, mga pastor na kaaway ng nanay n'ya, driver, security, alalay at alalay ng alalay ng alalay. Siguro malaki rin ang matitipid n'ya. Mayroon kapang 2.2 bilyong-pisong utang na ginigiit ng BIR, Manny.
“They’re all competing to be golden boy for the day. Clean his pool. Take his shoes off. They will do anything for Manny Pacquiao. I’m telling you, the funniest thing is, whoever is on the best terms with Manny at that moment sleeps closest to him, at the foot of his bed." - Freddie Roach from nytimes.com
“I see new guys every day, Guys who I don’t even know who they are, or what they do.” - Joe Ramos from nytimes.com
Pero sino nga ba ang balakid sa laban na dapat noon pa nangyari? Si Pacquiao na naghahabol nalang daw ng kikitain sabi ni Mayweather? Si Mayweather na humihingi ng mga kasunduan (blood/drug test, 70-30 cut, Turn down Arum, Showtime boxing ppv) O mismong si Bob Arum na minsan nang tinalikuran ng mga boksingerong umangat pa ang mga numerong nakukuha sa kanilang payday mula nang iwanan s'ya- gaya ni Oscar De La Hoya, Julio Cesar Chavez Jr, Mikey Garcia at ultimong si Floyd Mayweather.

Iwas ba si Bob Arum sa Pacquiao-Mayweather bout?


Gusto n'ya (daw) matuloy pero tingin ko, gusto n'ya munang palakihin ang pera. Sa mga nakaraang laban ni Pacquiao na kasama s'ya na madalas 60-40 ang hatian, angat si Manny sapagkat ang 60% na hati ang sa kanya. At ang kabuuan na makukuha ni Mr. Arum matapos ang pag-upo at pano-nood sa venue? 20% ng kita ni Manny, 20% ng kita ng kalaban ni Manny at porsyento din n'ya sa pay-per-view at ticket sales mula sa HBO at Venue.

Kaya ano sa tingin ninyo ang iki-kilos ni Bob Arum? Hayaang 70-30 ang hatian ng laban at 30% lang ang mapupunta kay Pacquiao? Ano nalang gagamitin n'ya pang Casino sa Vegas kung hindi n'ya naman makakaltasan si Mayweather at kahati din ng Top Rank n'ya ang Golden Boy sa pagpo-promote ng laban?

At kahit magpahayag pa sila ng samut-saring balita, hanggat walang napipirmahang kontrata, wala paring aabangang laban. At ang tanging may posibilidad lang kung sakaling matuloy ang laban (na isa sa hiling ni Mayweather), ay ang katotohanan na masakit- Walang "Let's get ready to rumble" na introduction ni Micheal Buffer dahil hindi HBO ang broadcaster! Anak ng piktal na tsinelas talaga.

Salamat sa Pagbabasa